Ito ay hindi tungkol sa
Araw ng mga Ina. Kailangan ko lang talagang ibulalas ang mga sentimyento ko kay Manang, ang aming plantsadora. Kasalukuyan siyang namamlantsa ngayon sa likod ko, ewan ko kung nababasa niya 'to pero wala akong pakielam.
Mag-iisang taon na ang nakalipas nang magsimulang mamlantsa si Manang. Maliit siya, maitim, mahaba ang buhok, at ayon sa kanya kuwarenta anyos pa lamang siya, pero sa hitsura niya mukhang mas matanda pa siya sa kay ermat na singkwenta anyos na.
Unang pagtatagpo pa lang namin ni Manang, hindi na kami agad nagkasundo, paano naman sinunog niya ang kuwelyo ng uniporme kong kulay penk- at hanggang ngayon ay idine-deny nya pa ito- eh sino nga makakasunog nun, ako??
Kinalumutan ko na 'yung hindi magandang simula ng pagsasama namin hanggang sa isang araw habang humahagikgik ako sa harap ng kompyuter, salamat mga
jejemon at sa blog ng
TNL, e bigla niya akong inistorbo:
"Kuwan, kumuha ka nga ng hanger." wika niya,
"Sige" sagot ko naman,
at tsaka ko tinuloy ang paghagikgik ko-papalakas, kahit hindi na totoo para inisin siya.
Hindi pa doon natatpos ang lahat, bukod sa pag-uutos niya sa mga amo niya, nang minsang umalis sila ermat at erpat e akong mag-isa lang ang naiwan sa bahay. Alas onse ako nagising, dumiretso sa kompyuter at natagpuan ko syang malapit nang matapos sa trabaho niya.
Nang matapos siya, umupo sya sa upuan, habang ako utong-uto sa paglalaro ng Farmville. "Kuwan, uuwi na ako" sabi nya, "Sige po" sabi ko naman.
Hindi sya gumalaw, isa,dalawa, tatlong minuto ang lumipas, nakaupo pa din siya, nilingon ko sya sa likod at nagsalubong ang aming mga mata. "Hindi ho ba kayo binigyan nila mama?" tanong ko sa kanya, umiling sya.
Tayo ako sa upuan at pumunta sa kwarto nila ermats, halughog, bukas cabinet, bukas bag, akyat sa tuktok ng cabinet- walang pera. Masakit man sa loob ko, pumunta ako sa kwarto namin, hinagilap ang bag ko at hinalungkat kung may pera pa ako- may P 250 pa ako, itinabi ko yung isandaan- pambili ko ng bagong panty.
Lumabas ako at mabigat sa loob na iniabot ang P150 sa kanya, tsaka ako mabilis na tumalikod para hindi na sya makapag-reklamo pero bago ko pa man magawa 'to, umapela na siya, kulang daw, tinanong ko kung magkano ba binibigay sa kanya "P 250" with matching paawa at pagod na pagod na mukha.
Mahina ako sa mga taong paawa, baka nga maiyak pa ako kapag hindi ko sila nabibigyan ng limos e.
Kaya naman imbes na muli ay pag-tripan ko siya, nagpasya na lang akong bumalik sa kwarto at kunin yung isandaan-babay bagong panty. Binigay ko sa kanya at umalis na sya, ako naiwan sa bahay mag-isa.
Mag-isa na nga wala pang pera. Langya,
Kung may nakakainis na encounters ako kay Manang, meron namang nakakatuwa.
Nung minsan na umalis na naman sila ermat at erpat, ako na naman ang naiwan. Kagigising ko lang noon e, siguro akala ni Manang siya lang ang tao sa bahay noon, kaya naman napagpasyahan niyang mag-yosi break, oo yosi break- at panis ang Marlboro, Fortune at Champion sa yosi niya-
Magkaibigan ang hinhits niya.
Nang abutan ko siya na nakaupo, nakataas ang isang paa sa silya at humi-hits ng Magkaibigan, balik ako agad sa kwarto, nagpatugtog ng Fire Burning on the Dance Floor at tsaka humagalpak sa kakatawa.
Walang katulad ang lola mo. Kaya naman hanggang ngayon kahit marami na syang damit na nasusunog at sa akin niya inirereklamo ang mga mantsa sa damit na pinaplantsa niya na tila ba matatanggal ko ang mga pesteng mantsa na 'yun e, pinababalik pa din sya ni ermats (isama na din ng pag-eextra rice at pag-eextra ulam niya tuwing tanghalian), wala daw kasing ibang ikinabubuhay.
Kaya naman matagal-tagal pa ang mga adbentyurs namin ni Manang. Tsk Tsk.