Gaya ng dati ko nang nasabi, malaking parte ng buhay ko ang pag-bi-biyahe sa mga PUVs simula noong bata pa ako.
Kasama din dito ang mala-pelikulang eksena ng mga aksidente at kung anu-ano pa.
Kanina lang pumunta ako sa isang mall dito sa binahang probinsya namin para makipag-date este bumili pala ng mga kailangan kong gamitin sa demonstration teaching namin.
Siyempre, inaasahan na na marami ang magpupunta sa mall matapos ang paglalambing ni Pepeng sa Pinas, kaya medyo traffic. Ewan ko ba naman sa mga lalake kung bakit mabilis mag-init ang mga ulo pagdating sa pagmamaneho.
Hay naku, nauna mahaba kasi yung jeep na sinasakyan namin, at dahil kasapi sila sa pila ng jeep na pinapayagan ng mall, pribilehiyo sana nila na mauna sa pagpasok dahil dapat makaalis din sila agad sa babaan.
Noong una pa lang, nakasunod na yung jeep namin sa isang itim na sasakyan tapos pilit siyang kina-cut ng isang kotse. So sinisksik ni Manong Drayberr ang jeep niya expecting that the driver of the car will give way... akala ko din ganun gagawin niya kasi kasama niya pa ang misis niya at ang baby niya (hindi tinted ang kotse nila)...pero hindi.. nakipag-gitgitan siya hanggang sa magbanggaan sila.. well hindi ganun kalakas ang impact pero sapat na ýun para ma-activate ang init ng ulo ng nasa kotse.
Binaba niya yung bintana niya and he started cursing like "PI ako nauna eh! Kanina pa 'ko dito. PI!"..
Pagkatapos ng ilang murahan at payabangan, bumaba ako sa jeep.
Ang hindi ko maintindihan eh kung bakit kailangan humantong sa ganun. Kung sana nagbigayan sila, kung sana hindi pinaulanan ng mura ng drayberr ng kotse si Manong na lubos na nakatatanda sa kanya eh di sana walang gulo... eh di sana pareho silang nakapasok ng maayos sa mall.
Naalala ko ang isang insidente na kinasangkutan ng pinsan ko sa SLEX minsan, tinutukan siya ng baril ng isang doktor na nakasakay sa magarang kotse dahil kina-cut daw niya 'to.
Papatulan sana ng pinsan ko dahil may baril din siya kasi pulis siya, pero nung kukunin na daw niya yung baril niya, biglang hinawakan ng baby niya yung kamay niya. (best in story-telling naman na daw ako)
Ang sukatan ba ng pagiging isang lalaki ay ang pakikipagmurahan sa kalye sa harap ng pamilya mo? O ang pag-iintindi sa kapwa mo, dahil ikaw ang mas may lubos na pang-unawa?
Hindi ko alam. Hindi naman ako lalaki. Pero sana, sana.... wala nang sumunod pa sa drayber ng kotse na ýun kanina...isama na din ang Pinoy na taxi driver dati na lumabag ng speed limit ng bansa sa harap ng buong mundo nang magpunta dito ang Amazing Race.