Sunday, May 16, 2010

Flores de Maria

Sa mga probinsya, kadalasang dinaraos ang Flores de Maria/ Flores de Mayo/ Santacruzan tuwing Mayo- isang Katolikong selebrasyon at pagpupugay sa Birheng Maria sa pagbuhos ng ulan at pagbuka ng mga bulaklak matapos ang mahabang tagtuyot . 

Ilang Santacruzan na ang napanood ko dito sa barrio namin, pero kahit minsan, wala sa deskripsyon ng Flores de Mayo ang tumugma sa mga santacruzan na ginagawa dito.

Noong bata ako, dalawang beses naging kasali sa sagala ang ditse ko, noong bata siya at noong binata dalaga siya bilang si Reyna Sheba. Hindi ko ma-appreciate ang santacruzan noon, bukod sa gumagastos ang ermats ko sa pagbili ng daylight na isasabit sa balantok ng ditse ko eh dyaheng magbuhat ng balantok ng ditse mo habang tinitingnan ka ng crush mo na Constantino.

Subalit sa kabila nito, nagsaliksik ako kung bakit nga ba ginagawa itong malaking pagkakagastusan na'to. Bongga naman pala ang fiestang ito dahil ayon sa deskripsyon na ibinigay ng iba't-ibang libro at website, punong-puno daw ng bulaklak ang mga balantok o bisikleta para sa mga bata, magaganda at isinasabuhay ng mga napiling dilag ang kanilang inirerepresinta at gayundin si Maria, ang mga damit nila ay hindi nirerentahan sa Polly's Gown ang Barong Rentals kundi sinasadyang ipatahi upang bumagay sa mga katauhang inirerepresenta nila gaya ng mga Reyna, may mga bitbit silang kung anu-ano gaya ng krus, anchor at pulang puso, at hindi pamaypay na abaniko, karton o sopdrinks.

Katatapos lang ng sagala dito, sa totoo lang- hindi ko matatawag na isang selebrasyon o pagbibigay pugay sa Birheng Maria ang naganap na sagala dito sa amin-maingay ang mga tao hindi dahil nag-no-nobena sila o kumakanta ng Ave Maria kundi dahil nagsisigawan sa tuwing nababatak yung mga daylight, umiinom ng sopdrinks ang mga reyna, naka-coat ang tie ang mga konsorte, wala sa tono ang mosiko, at higit sa lahat-walang bulaklak!

Hindi bale, kapag ako na ang kapitana dito siguradong bongga na ang santacruzan. CHAR!

P.S.: Walang mga litrato dahil sa sobrang bilis maglakad ng mga sagala e hindi kakayanin ng shutter speed ng gigicam namin. 
Kung nais mo ding malaman kung tunay na Santacruzan ba ang nagaganap sa barangay niyo, dumalaw dito. :)

2 comments:

  1. Hehehe nakakatuwa naman ang baryo niyo, well at least may effort parin sila mag parada diba :D

    ReplyDelete
  2. tagal ko ng di nakakapanuod ng sagala.. Sayang walang pics. Lagi kong inaabangan ang nasa hulihan..nalimutan ko na kung ano yung tawag sa kanila. Sabi kasi yun daw pinakamaganda lagi eh!

    ReplyDelete