Sunday, August 9, 2009

Bakit basketbol ang paboritong laro ng mga Pinoy?

Sabi ng isang kilalang sports columnist at analyst, wala daw pag-asa ang Pilipinas na manalo sa FIBA Asian Basketball Cup sa Tianjin, China.
Ka-nega naman siya, naisip ko. Noong buuin ang Team Pilipinas-Powerade, kasalukuyan akong nakikipagsapalaran sa required summer class namin, naging mainit na usapin din ito sa pagitan ng mga prof. ko.
Dalawang prof. ko ang parehong nagsabi na dapat hindi basketbol ang laro ng Pinoy dahil unang-una, wala naman tayong height gaya nung kay Yao-Ming. Tapos papangarapin natin na matalo ang mga Tsino?
Pangalawa daw, may konek sa una, sa China daw apatnapung milyong bata ang nagte-train mula pagkabata, hindi lang sa basketbol kundi sa halos lahat ng sports. Napanood ko din ito sa Discovery Channel dati, may mga bata na limang taon pa lang nagbabanat na ng buto- mapa basketbol, gymnastics, martial arts at kung anu-ano pa.
Pangatlo, hindi angkop sa tindig g katawan ng mga Pinoy ang basketbol, bagkus mas angkop ito sa soccer.

Pero bakit nga ba paborito ng Pinoy ang basketball?

1. Halos lahat ng barangay sa Pilipinas may basketball court.
Siguro dahil na din sa impluwensiya ng mga Amerikano sa atin kaya minsan, mas marami pang basketball court sa mga barangay kaysa sa Health Centers. Kaya naman, mulat ang mga kabataan sa basketbol dahil 'yun lang ang nakikita nila sa paligid nila.

2. Mura lang mag-basketball.
Mura dahil pwede ito kahit sa ilalim ng puno, sa gym ng barangay. Pwede kang maglaro kahit wala kang sapin sa paa, pwedeng maglaro ang mga lalaki ng walang pang-itaas at pwedeng half-court lang ang laro kung kulang ang tao. May mga mumurahing bola na madaling mabili kahit sa mga palengke. Hindi gaya ng soccer na dapat daw ay sport ng mga Pinoy, kailangan mo ng malaking bakanteng lote na patag, high socks, goal, at higit sa lahat, soccer ball na sa pagkakaalam ko wala pang binebenta sa probinsiya namin.

3. Madaling matutunan ang basketball.
At madali din makita ang mga resulta nito. Shoot lang ng shoot. Di gaya ng soccer na pasensyahan bago ka maka-goal. Sa totoo lang, nainip ako nang minsan mag-cover ako ng larong soccer noong Intrams namin sa sobrang tagal maka-goal ng parehong team, pero sabi nga nila, andun ang excitement ng laro na parang hindi ko naman nadama dahil umuulan noon.

4. Mas may exposure ang basketball sa Pinas.
May PBA, UAAP, NCAA at PBL sa Pinas. Dati pa nga may MBA ba yun, yung bawat probinsiya sa Pilipinas, may team. Nueva Ecija Patriots yung sa amin, ang star nun sa pagkakatanda ko ay si Willie Miller.

5. Pwedeng laruin ng kahit sino ang basketball.
Ang basketball, kahit mayaman o mahirap pwedeng maglaro. Ang soccer, halos pang-coño, laro ng mga middle-class, dahil na din siguro sa mahal ng mga gamit. Wala nga akong nakitang soccer field sa buong probinsiya lalo na sa major cities bukod doon sa nasa pamantasan namin. Improvised pa ang high-socks ng mga manlalaro. Walang soccer shoes kundi yung sneakers na pamasok din nila.

Pero may version kami ng soccer nung mga ka-laro ko noong bata pa ako. Sipa ball. Kaso para siyag baseball na walang bat at paa ang ginagamit. Ibabato ng kasama mo yung bola, dapat masipa mo 'yun tapos makapunta ka s a"home" niyo. Teka, ang labo ata nun. Basta, yun na yun!

Meron din namang ilang mayayaman ang tumutulong sa kapwa nila, lalo na sa mga batang lansangan. Minsan na itong naipalabas sa TV. May isang grupo ng mga soccer players ng isang eskwelahan ang nagturo sa mga batang kalye sa isang lugar sa Maynila ng laro. Nag-enjoy yung mga bata at naging maganda ang performance nila. Kaya nag-desisyon ang grupo na isabak sila sa totoong soccer field sa loob ng eskwelahan nila kalaban ang mga batang tinuturuan nila. Syempre, nananalo ang mga batang kalye.

"Matatalo tayo ng mababahong bata!" sabi ng isang taga-eskwelahan.
"Hayaan mo na, minsan lang naman makakalaro 'yang mga 'yan eh." sabi ng isa pa.


Magtataka pa nga ba tayo kung bakit hindi popular sa atin ang soccer?

4 comments:

  1. i have no idea kung bakit popular and basketbol. hindi ako naglalaro nyan eh. haha :))

    ReplyDelete
  2. maganda yung punto na hindi "built for basketball" ang pangangatawan ng ordinaryong pinoy (kulang kasi tayo sa pagkain ng star margarine).

    kailangan mag concentrate tayo doon sa mga laro na hindi ginagamitan ng tangkad para manalo.

    diyan ngayon papasok si pacquiao....

    ReplyDelete
  3. orayt. sorry sa late replies. :)

    DARWIN: baka sa PE niyo ma-try mo maglaro. :)

    SIYETEHAN: tama. dumadami na nga ang aspiring Pacquiao ngayon eh. dito sa Ecija, may amateur boxing competitions na din. kailangan lang siguro talaga ng konting suporta mula sa mga may kakayahan at kapangyarihan, kasi malakas din ang hatak ng boxing sa audience eh. :)

    ReplyDelete