PAGBABAGO.
Ilang beses ko na din narining ang salitang iyan, mula elementary yata iyan na ang bukambibig ng mga batang pulitiko sa eskwelahan. "Kapag nanalo ako, babaguhin ko ang ganito, pagagandahin ko ang ganire, ipapa-landscape natin ang kuwan at ipapa-aircon ang ano."
Siguro nga mailap ang pagbabago, kahit sabihin pa na ito lamang ang bagay na permanente sa mundo.
Sa maraming beses na narinig ko ang salitang pagbabago, kinikilabutan ako. Ano nga ba ang tunay na kahulugan ng pagbabago? Pagbabago sa sistema, sa kapaligiran, sa mga tao o sa sarili?
Sadyang napaka-lawak ng nais ipakahulugan ng pagbabago. Sa kabila nito, paborito ito ng mga taong tinatawag at kinikilalang "lider" ang kanilang mga sarili.
Ngayon, ano nga ba ang lider?
Tao na nagpapatupad ng pagbabagong inaasam nila o sila mismo ang makapagbabago sa mundo?
Minsan akong humawak ng kapangyarihan. Ipokrita ako kung sasabihin kong hindi ako naghangad ng pagbabago, minsan naisip ko na kung maiimpluwensiyahan ng mga aksyon ko ang bawat tao na magdedesisyong baguhin ang kanilang mga gawi, doon ko pa lamang masasabi na isa nga akong lider.
Pero hindi madali. Madaming tao ang humusga hindi lamang sa kakayahan ko, maging sa pagkatao ko. At saka ko naisip, mahirap palang mangako ng pagbabago sa ibang tao.
Natutunan ko na ang pagbabago, nagmumula sa sarili at hindi dapat iasa sa ibang tao, at na ang opinyon ng mga taong walang magawa sa buhay kundi ang pag-usapan at pakielaman ang buhay ng ibang tao ay hindi mahalaga kung alam mong tama ang ginagawa mo at wala kang inaapakang ibang tao, bagkus mas masarap sa pakiramdam na batuhin ka nang harapan ng mga taong alam ang kagalingan at kahinaan mo.
Ilang beses na din napatunayan ang kapangyarihan ng salitang "pagbabago" sa mga eleksyong naganap, napansin ko na karamihan ng mga nananalong politiko, sa bayan man o sa eskwelahan ay nananalo.
At sa mga pagkakataong nasaksihan ko ang mga ganitong pangyayari, matumal ang pagbabagong ipinangako ng mga nahalal na opisyal. Lilipas ang kanilang termino at idadahilan nila na walang pera ang pamahalaan upang maipatupad ang pagbabagong ipinangako nila.
Ayon sa isang manunulat na iniidolo ko, ang salita ay nakamamatay. Bagama't salita lamang, ito ang nagpapakilos sa tao upang mag-isip at umaksyon. Hanggang saan nga ba nasusukat ang pagbabago?
At higit sa lahat, ang pagababagong ipinangako ba ay nakabuti o nakasama sa mas nakararami?
Napansin mo ba na marami akong tanong?
No comments:
Post a Comment